Friday, October 31, 2008

January 18, 2008

http://www.gmanews.tv/story/77090/Pinagmalupitang-Pinay-iniligtas-ng-Arabo-sa-Jeddah


Pinagmalupitang Pinay iniligtas ng Arabo sa Jeddah
01/18/2008 08:13 PM

Mula sa kamay ng dalawang malupit na among Arabo, hindi akalain ni Bailyn Wahab, may-asawa at tatlong anak sa Sultan Kudarat, na makakatagpo siya ng taong may busilak na puso sa tatlong taon niyang pamamalagi sa Saudi Arabia.

Naghangad si Bailyn na mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya nang mamasukan siya bilang kasambahay sa Jeddah noong 2005.Dalawang buwan lamang tumagal si Bailyn sa una niyang amo na hindi umano tumupad sa kanyang kontrata kaya’t ibinalik siya sa kanyang ahensya.

Hindi nagtagal ay sa Albaha (isang lalawigan sa Saudi) napunta ang 28-taon gulang na si Bailyn kung saan tumagal siya ng isang taon sa isa pang Arabong amo.Sa kasamaang palad ay hindi naman siya pinasweldo ng pangalawang amo at pinagbawalan din siya na magkaroon ng komunikasyon sa kanyang pamilya sa Pilipinas.Hindi rin siya pinakain ng maayos at pinagtataguan ng pagkain tuwing maiiwan siyang mag-isa sa bahay.

Dahil sa pang-aaping dinanas, dumating ang panahon na lumaban na si Bailyn hanggang napilit niya ang amo na ibalik na siya sa ahensya niya sa Jeddah. Isang araw ay pinasakay siya ng amo sa bus papuntang Jeddah na walang dala kahit anong dokumento at hindi alam ang pupuntahan, hanggang nakarating siya sa airport kung saan 10 oras siyang nagpaikot-ikot dahil hindi alam ang dapat gawin.Nang palalim na ang gabi at naroon pa rin siya sa King Abdulaziz International Airport sa Jeddah, naglakas loob si Bailyn na lumapit sa isang Saudi national at nakiusap na pansamantala siyang kupkupin sa tahanan nito.

Matapos ikwento ang masaklap niyang karanasan ay naantig ang puso ni Abdullah Amin Turkishdani, 56-taon gulang at nagtatrabaho sa Saudi Geological Survey, at isinama ito sa kanyang bahay matapos ipaalam sa asawa niya na noo’y nagdadalang-tao ang tungkol kay Bailyn.

Nagkataon naman umano na naghahanap ng makakasama ang asawa ng Arabo dahil sa nalalapit nitong panganganak.Ayon kay Bailyn, itinuring siya bilang kapamilya ng mag-asawa at pinasweldo ng maayos. Pinayagan din siya na makausap ang kanyang pamilya na nasa Pilipinas.

Makalipas ang limang buwan, nagpasya si Abdullah na ihatid si Bailyn noong Lunes sa konsulado ng Pilipinas upang matulungan siyang makakuha ng mga dokumento at nang makauwi na rin sa kanyang pamilya sa Sultan Kudarat. Sa kanyang pakikipag-usap kay welfare officer Romeo Pablo sa konsulado, sinabi ni Bailyn na malaki ang kanyang pasasalamat dahil nakatagpo siya ng Arabo na may magandang loob.

Nangako si Pablo kay Abdullah na tutulungan si Bailyn na makauwi at makapiling ang kanyang mga anak sa Pilipinas sa lalong madaling panahon. - Ronaldo Concha, GMANews.TV

No comments: